Sa kolaborasyon ng Cebu Normal University (CNU) at Samahan ng mga Guro sa Intelektuwalisasyon ng Filipino (SAGIF), naisakatuparan ang Pambansang-Seminar Training 2024 na ginanap sa Lungsod Cebu nitong Marso 22-24 taong kasalukuyan.
Tatlong araw ng training ang napuno ng pagbabahaginan ng mga eksperto mula sa mga prestihiyosong pamantasan sa buong bansa na nilahukan ng humigit-kumulang 600 propesyonal na kalahok mayorya ang kaguruan, punong guro, administrador at iba pang nasa kaugnay na disiplina ng pagtuturo-pagkatuto.
Sa temang 5Ps: Pagtatampok at Pagbabalik-tanaw sa Salalayang Kaalaman at Kasanayan sa Pagsasalin, Pagbasa/Literasiya, at Pananaliksik nakasentro ang training na nagkaroon ng limang pangunahing tagapagsalita mula sa Ateneo de Naga University (ADNU), CNU, University of Santo Tomas, at Philippine Normal University (PNU).
Sa pamamagitan ng Matatag na Kurikulum na nakatuon sa asignaturang Filipino ni Dr. Vasil Victoria, naniniwala siyang inaasahang mapapatatag ang pundasyon ng kaalaman at kasanayan sa Filipino ng mga mag-aaral sa Baitang 7, na siyang magiging batayan para sa kanilang mas malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa sariling wika at kultura. Binigyang-diin din ni Dr. Rowena C. Largo, ang Tagapangulo sa Kagawaran ng Filipino sa Cebu Normal University ang kahalagahan ng pag-aaral at pagsusuri sa Mga Bagong Kairalan, Kalakaran, at Kalakalan sa Pananaliksik sa Post-Pandemya. Ayon sa kaniya, mahalaga ang pag-unawa sa mga pagbabagong hatid ng pandemya sa larang ng pananaliksik, lalo na sa aspekto ng kultura at lipunan. Ipinahayag ni Dr. Largo na sa pamamagitan ng ganitong pag-aaral, mas mapagtutuunan ng pansin ang mga bagong oportunidad at hamon na nagaganap sa kasalukuyang kalakaran at kalakalan matapos ang pandemya.
Samantala, ang ikalawang araw ay nagsimula sa panayam ni Gerry C. Areta, Faculty Member ng Philippine Normal University, kaugnay sa kaniyang mga pananaw hinggil sa Pagsasalin,
Pagbasa, Pananaliksik sa Matatag na Kurikulum Tuon sa Filipino para sa Grade 7. Ayon sa kaniya, mahalaga ang pagbibigay-importansiya sa mga nabanggit na aspekto ng kurikulum upang palalimin ang kaalaman at pag-unawa ng mga mag-aaral sa kahalagahan ng pagpapalawak ng kakayahan sa pagsasalin, pagbasa, at pananaliksik bilang pundasyon ng kanilang akademikong tagumpay at pagpapaunlad.
Sa hapon na sesyon naman ipinakita ni Dr. Arjohn V. Gime, mula sa Philippine Normal University, ang kaniyang pagiging eksperto sa kaniyang paksang Perspektiba ng Literasi at Wika sa Matatag na Kurikulum. Sinabi niyang dapat na bahagi ng literasi at wika ang pagpapaunlad ng mga kagamitang pampagtuturo sa Filipino. Binigyang-linaw rin niyang ang pagpapalakas ng kasanayan sa pagbasa, pagsulat, at pag-unawa sa wika ay mahalaga upang mapaunlad ang kakayahan ng mga administrador at dapat maging susi ang mga ito sa paghubog ng buong kurikulum.
Sa ikatlong araw nagtapos ang programa sa panayam ni Dr. Wennielyn F. Fajilan ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin Maynila kaugnay sa Pagsasaling Teknikal para sa Pananaliksik. Binigyang-linaw niya ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kaalaman at kakayahan sa pagsasalin, lalo na sa konteksto ng akademikong pananaliksik. Ayon sa kaniya, mahalaga ang paggamit ng wastong teknikal na terminolohiya at estruktura upang mapanatili ang integridad at kahulugan ng orihinal na teksto habang isinasalin ito sa ibang wika. Sa pamamagitan ng ganitong proseso, isinaad ni Dr. Fajilan na ang pagsasaling teknikal ay nagbibigay-daan para sa mas malawak na pag-access at pag-unawa sa mahahalagang akademikong kaisipan at impormasyon.
Sa huling bahagi ng programa iginawad ng SAGIF ang Katibayan ng Kolaborasyon sa CNU kasama ang Pangulo ng pamantasan na si Dr. Daniel A. Ariaso, Sr. kasama sina Dr. Lita A. Bacalla, Dr. Rowena Largo, mga tagapangulo ng Sentro ng Wika at Kultura at Filipino Department, samantalang sina Dr. Vasil A. Victoria, at Dr. Melinda Cardano naman mula sa SAGIF.