𝐊𝐀𝐌𝐀𝐊𝐀𝐈𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐍𝐀𝐆𝐀𝐍𝐀𝐏 | Opisyal na nilagdaan ang Memorandum ng Kasunduan sa pagitan ng Cebu Normal University (CNU) at Komisyon ng Wikang Filipino para sa pagtatag ng Sentro ng Wika at Kultura na siyang mangangasiwa sa mga aktibidad na may kaugnayan sa pagpapalaganap ng wikang Filipino. Ginanap ang paglalagda ngayong araw, ika-25 ng Marso taong kasalukuyan.
Ang CNU at KWF ay nagkasundo na mangangasiwa ng iba’t ibang aktibidad gaya ng kumperensiya, seminar, at palihan, gayunpaman sa pangunguna sa pagsulong ng mga katangiang pangkultura. Nagkasundo rin ang dalawang institusyon para sa pagtatag ng matalik at mabisang ugnayan sa pakikipagtulungan ng mga organisasyon at institusyon sa loob at labas ng unibersidad.
Ang paglalagda sa Memorandum ng Kasunduan ay naganap matapos ang tatlong araw na Pambansang Seminar-Training kaugnay sa Matatag Kurikulum at Kagamitang Pampagtuturo na ginanap noong ika-22 hanggang ika-24 ng Marso sa Tandang Sora Hall, Cebu Normal University. Ang Seminar-Training ay nilahukan ng mga propesor at guro na nagtuturo ng Wikang Filipino.
Si Dr. Arthur Casanova, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino at Dr. Daniel Ariaso, Pangulo ng Cebu Normal University ang pumirma sa kasunduan. Saksi sa lagdaan sina Dr. Hope S. Yu Ng Wikang Sebwano, Dr. Carmelita C. Abdurahman, Komisyoner para sa Programa at Proyekto ng KWF at Dr. Lita Bacalla, Direktor para sa Sentro ng Wika at Kultura R-VII ng CNU.
Mabuhay ang Wikang Filipino!