
Ang Pamantasang Normal ng Cebu ay matagumpay na ipinagdiwang ang panapos na palatuntunan ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026 sa Bulwagan ng Samuel MacClintock (SM) noong ika-27 ng Agosto 2026.
Ang selebrasyon na may temang, “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon” ay pinangunahan ng Departamento ng Filipino at sa pakikipag-ugnayan sa Sentro ng Wika, Kultura, at Pagsasalin, Kabataang Pilipino sa Larangang Akadamiko (KAPILAK), at Polytechnic University of the Philippines.
Dinaluhan ng mga mag-aaral at guro, ang mga ginanap na programa ay naglalayong magtaguyod sa Filipino bilang wika ng malikhaing pagpapahayag, akademikong diskurso, pananaliksik, at inobasyon.
Kabilang sa tampok na mga kaganapan ang WikaFest 2026, kung saan nagtagisan ang mga piling mag-aaral mula sa iba’t ibang larang sa tatlong patimpalak, Pagsulat ng Sanaysay, Dagliang Talumpati, at Pagbuo ng Infographic.
Kinilala at ginawaran ng papremyo ang mga nagwagi bilang pagkilala sa kanilang husay, pagkamalikhain, at paggamit ng Filipino sa iba’t ibang anyo ng komunikasyon. Pinayaman din ang programa ng makabuluhang pagbabahagi ni Prof. Schedar Jocson, Tagapangulo ng Departamento ng Filipino at Panitikan sa Pilipinas, UP–Diliman, hinggil sa papel ng Filipino sa akademya, pananaliksik, at panahon ng AI.

Maliban dito, isinagawa rin ang HABI 2026 (Hub ng Akademikong Bahaginan at Inobasyon), na
pinangunahan nina Dr. Ryan Reyes, Associate Professor ng Polytechnic University of the Philippines, at Dr. Roberto Ampil, Full Professor ng University of Santo Tomas.
Sinundan ito ng pagbabahaginan ng mga papel-pananaliksik ng mga mag-aaral sa di-gradwado at gradwadong antas, na nagsilbing lunsaran ng pagpapalitan ng kaalaman, ideya, at pananaw sa pananaliksik.
Sa kabuuan, naging makabuluhan at matagumpay ang pagdiriwang sapagkat pinag-ugnay nito ang wika, pananaliksik, teknolohiya, at inobasyon. Naipakita sa pamamagitan ng mga gawain na ang wikang Filipino ay hindi lamang daluyan ng komunikasyon kundi isang buhay at
makapangyarihang wika ng paglikha, pagpapalitan, at pagpapalawak ng kaalaman sa makabagong panahon.
Mabuhay ang wikang Filipino!
#AlwaysCrimsonAndGold2026

